top of page

Filipino: Wika ng Karunungan

Sanaysay na aking isinulat noong ako ay lumahok sa patimpalak ng sanaysay para selebrasyon ng Buwan ng Wika sa aming paaralan.

Opisyal na larawan para sa Buwan ng Wika taong 2016

Ang pagiging marunong ng isang tao ay hindi lamang nababase sa talino, ito rin ay nasusukat sa diskarte na may kasamang sipag at tiyaga. Higit sa lahat ang karunungan ay nababase kung naipaliliwanag natin ng malinaw at maayos ang mensaheng nais nating maipamahagi.

Ang pagiging matalino ay natural na sa mga Pilipino, gayundin ang pagiging masipag, matiyaga at madiskate. Ito ang karunungang taglay ng mga Pilipino na nagbubukod sa atin sa mga banyagang lahi. Pruwebya nito ay ang mga Pilipino sa iba’t ibang sulok ng mundo na kayang makipagsabayan sa iba’t ibang lahi sa iba’t ibang bansa. Ang ibig sabihin lamang nito ay may natatanging abilidad ang mga Pilipino na maibahagi ang kanilang saloobin gamit ang iba’t ibang wika. Kung ating iipisin, dahil sa taglay na karunungan ng mga Pilipino, maikokonsidera na ang wika ng karunungan ay wikang Filipino.

Ang wika ay maihahalintulad sa isang malaking pamilihan na maraming iba’t-ibang paninda. Ating sinusukat ang iba’t ibang klase ng mga damit, sapatos, alahas na ating magustuhan. May mga bumabagay sa atin, may mga hindi, may simple, at may mukang sosyal. Ngunit kahit gaano man karami ang ating isukat, atin lamang bibilhin kung saan tayo komportable o kung saan mas lumalabas ang ating natural nating pagkatao, kung saan napapakita natin ang ating pagkakakilalanlan.

Tayong mga Pilipino, tulad ng malaking pamilihan, ay maaaring mag aral ng isa o higit pang mga wika, maaaring Ingles, Espanyol o Pranses. Minsan ating pinag-aaralan ang ibang wika upang makipagsapalaran sa ibang bansa, minsan dahil sa ating propesyon, minsan dahil gusto nating mapag aralan ang kultura ng iba. Ngunit kahit gaano karaming wika sa buong mundo, wikang banyaga man, o wikang katutubo, simpleng wika man o komplikado, mukang sosyal man o simple, tayong mga taas noong Pilipino ay may iisang wika pa ring komportable nating gamitin, kung saan naipapaliwanag natin ng maayos ang ating sarili. At ‘yon ay ang paggamit ang wikang Filipino.

Isang magandang halimbawa ng pagmamahal sa sariling wika ay ang sinabi ni Pia Wurtzbach sa isang panayam tungkol sa paggamit ng Pilipinang delegada ng tagapagsalin sa isang pandaigdigang patimpalak ng pagandahan. “oo naman bakit hindi, ‘yon naman ang lengwahe natin dito bakit hindi tayo gumamit”. Naipaliliwanag naman daw nya ang sarili sa wikang Ingles dahilan upang hindi na niya kailanganin nito. Ngunit wala naman daw masama sa paggamit ng tagapagsalin, nakabubuti raw ito dahil mas maipararating ng mas maayos ang mensahe, kaysa ipilit ang ibang wika at hindi naipaliliwanag ng maayos ang nais sabihin. Sumatutal, malaki ang tiwala ni Pia sa sariling wika, kasabay nito ang karunungan at kahusahayn niya sa paggamit ng wikang Ingles at Filipino.

Kung ang wikang Filipino ay wika ng karunungan. Nararapat lamang na ito ay ating ipagmalaki, ating gamitin. Pilipino sa Pilipino, magkipagtalastasan gamit ang wikang Filipino. Mahalin natin at huwag ikahiya. Ito ay mahalagang bagay na nagpapakita ng ating pagkakakilanlan.

Ang wikang Filipino ay ang wika ng ating lahi, ang wikang ating kinalakihan, at nararapat lamang na kalakihan ng bawat batang Pilipino, ang wikang nagpapalabas ng natural nating pagkatao, ang wikang nagpapakita ng ating pagakakakilanlan. Wikang Filipino ang wika ng karunungan.


Merry Heart
Recommanded Reading
Search By Tags
Follow
  • Facebook Basic Black
  • Twitter Basic Black
  • Black Google+ Icon
PayPal ButtonPayPal Button

Also Featured In

    Like what you read? Donate now and help me provide fresh news and analysis for my readers   

© 2023 by "This Just In". Proudly created with Wix.com

bottom of page